Lumolobo’ng tiyan ng diwatang ulap,
Hatid ang balitang buntis na ang langit;
Nanganak ng ambong patak ay pangarap.
Tinakasan siya ng pusong maagap
Sabay na tumakas ang alab at init,
Lumolobo’ng tiyan ng diwatang ulap.
Ibig kong dumamay, ibig kong yumakap,
Wala na ang araw, piniit, pinilit,
Nanganak ng ambong patak ay pangarap.
Ang katahimika’y di na nangungusap;
Amiha’y bumulong sa dibdib, lumapit,
Lumolobo’ng tiyan ng diwatang ulap.
Sa bisig ng ula’y nanlimos ng lingap
Pakiramdam niya, sarili’y inakit,
Nanganak ng ambong patak ay pangarap.
Matagpuan kaya kahit sa hinagap
Ang habampanahong minsan lang sasapit?
Lumolobo’ng tiyan ng diwatang ulap,
Nanganak ng ambong patak ay pangarap.




