Batang Bangkera is an essay written by Jessel Pineda and shared with The Ugly Writers

Hunyo noon, sinimulan kong maglayag. Wala pa akong ideya sa paggamit ng sagwan ngunit batid ko ang layunin ng bagay na ito. Sabi ni inay, “Ang sagwan ay mahalaga upang makausad ka sa iyong paglalakbay.” Kaya lang, wala si inay habang ako’y naglalayag. Ako na lang mag-isa. Lumipas ang mga araw, linggo, at ilang buwan, ako ay patuloy pa ring naglalayag. Tumataas ang mga alon at hinahampas ang aking bangka. Tila may problema sa aking pagsasagwan at hindi ako patungo sa direksyong nais kong puntahan. Naalala ko muli ang sabi ni inay, “Kapag ika’y nagsasagwan, huwag mong kalabanin ang alon, sabayan mo ito.” Palagay ko’y tama siya. Nakikita kong tama siya ng tinuran. Hindi madali ang pagiging batang bangkera. Minsan, nauubusan ako ng lakas at nangangalay. Ngunit, ang mahalaga’y may pag-usad, at siguradong makararating din sa destinasyong nais kong mapuntahan. Maraming salamat sa mga alon na aking nakadaupang-palad. Patuloy nyo akong pinalalakas at mas pinatatatag.










