Mahal

Mahal, tahan na.

Di ako magsasawang punasan

Ang mga luha mong gawa ng iba.

Batid ko sa pagdating ng umaga, wala ka na,

Dahil alam ko namang hiram lang kita.

Sa madilim na eskinita lang tayo malaya,

Malayo sa mga matang huhusga.

Ipikit ang iyong mga mata,

Huwag tignan ang kislap ng singsing

Na naging simbulo na ng lungkot at pangungulila.

Mahal, halika na.

Mga galos mo’y aking gagamutin.

Alam mong sayo’y hinding hindi ko to kayang gawin.

“Pasok sa tenga, labas sa kabila”

Alam ko naman na hindi totoo

Na lahat ng lait, lupit, insulto,

At pagbababoy sa pagkatao mo

Ay kaya mong indahin, ibahin mo ako

Hindi ko iyon kayang palampasin.

Hirap na rin akong intindihin kung bakit ka bumabalik

Sa tahanan mong puro pasakit lang ang hatid.

Mahal, pahinga na.

Alam kong puso mo’y pagod na.

Hinihiling ko rin na sana humaba pa ang gabi,

Tayo’y magpakalasing sa mga nakaw na sandali.

At kinabukasan, ihanda ang iyong sarili.

Sa realidad na tayo’y manunumbalik,

Iindahin muli ang mga laway na titilamsik,

Galing sa bibig na sisigaw sa iyong mukha

At magbibigay lamang ng hinanakit.