Paano wawakasan ang isang bagay na ni kailan man hindi alam kung paano naumpisahan? Kung siyang naumpisahan, bakit ganito ang kinasapitan?

Ang aking damdamin inilipad sa ere ng iyong matatamis na salita at ngiti . Ang mga titig na syang nagpabilis ng pintig. Ang iyong mga haplos sa aking hamak na mga kamay ang syang bumubuhay sa pagbabakasakaling matagpuan muli.

Kung anong tayong ng nilipad ay siya ring balasik ng lagapak. Lumisan ng walang alumana damdaming para bang isang kandilang nanatak ang luha.

Hiniling sa bukang liwayway na ang pagal at umiirog kong damdamin ay makarating kung saan man maabot ng matatayog na ulap at pumapagaspas na alon.

Ang kinasadlakan ng aking puso’t isipan ay hindi magtatanim ng poot at pighati. Bagkus, ito ay lalong mananalig na balang araw ang damdaming inilipad sa matatayog na alapaap ay hindi na muling maiiwan at mabibitawan ng mga kamay na pinaghandugan.