Akda ng isang bata

Akda ng isang bata

Akda ng Isang Bata is a tagalog poem written by Jas Bernardo and shared with The Ugly Writers under the theme The Best Bad Idea for the month of January

 

AKDA NG ISANG BATA

 

the ugly writers

 

Kasabay ng nagmamadaling mga paa
Nahagip ng aking mga mata
Ang mga batang nagtatakbuhan
Nagtatawanan.
Mula sa napakabilis kong paghakbang
Biglang bumagal at nagbago ang ritmo
Saka tinangay ang isip ko
Ng kahapong tinalikuran ko.
Malinaw pa ang lahat
Kasama ko sila
Salitan sa pagpapatahan sakin
Gawa ng malaking sugat sa tuhod.
Sa mga sumunod na araw
Madalang na ‘kong umiyak
Madalang na ang madapa
Pero kasama ko parin sila
Noo’y maaga akong pumasok sa ekwelahan
Nakahanda na ang lahat
Dahil nariyan sila.
Dumaan pa ang maraming taon
Alam kong nasa maayos naman
Akala ko nga dati
Dahil malaki na ako
Hindi na ko madadapa
Tulad ng iniisip ko.
Nakita ko ulit kung paano ako natumba
Matatawa ka nalang
Kasi kung kailan ka lumaki
Mas malalim ang mga sugat
Hindi klaro
At hindi ka sigurado
Kung kailan hihilom
Kung kailan papawiin ng panahon
Ang mga sugat na kahit hindi natin nakikita
Nararamdaman natin ng kusa
Nagtataka ako kasi nariyan parin sila.
Habang patuloy dinadampihan ng hangin ang aking pisngi’y
Nagpatuloy padin ako
Mas bumilis ang hakbang ko
Napapansin kong napapalayo na ko
Hanggang sa punto na
‘di ko na sila matanaw
Hirap akong tanawin sila
Pinilit kong iabot ang aking mga kamay
Ngunit wala akong makapa
Sinimulan kong sumigaw
At umiyak
Ng napakalakas
Tulad ng ginagawa ko noong musmos ako
Na akala ko’y lalapitan nila ako
Ngunit bigo ako
Hirap ako
Hirap na aluhin ang sarili ko
Napagod ako.
Naririnig ko parin ang paghikbi.
Ngunit hanggang doon lang.
Sa napakahaba kong byahe
Natagpuan ko ang sarili ko
Mag-isa.
Hindi alam ang daan pabalik
Sa tahanan
Na alam kong saki’y magpapatahan

Jas Bernardo

You must be logged in to post a comment