Hanggang saan mo kakayanin?

Ang pagtitig sa kanya mula sa malayo
At pag-iisip na kayo ay pinagtagpo
Subalit nakikitang patuloy na naglalaho
Ang musika’t melodiyang may bahid ng pag-asang buo.

Hanggang saan mo kakayanin?

Ang ipunin ang basag-basag na piraso
Ng puso mong pilit na lumalaban sa maling liriko.
Ang pagbigkisin ang kamay mong naginginig at napapagal,
Subalit patuloy na humahabi ng pagmamahal?

Hanggang saan ang aabutin ng pagdilig ng iyong luha,
Sa pag-ibig na kailan ma’y hindi makuhang mamukadkad,
At tila patuloy lamang kinakaladkad,
Iniipit at tinatangay sa iyong patuloy na paglakad?

Saan ka bubuo ng pilosopiya na ikakabit mo sa iyong ideya,
Ng pag-ibig sa bawat mali at punit na pahina
Sa bawat tula at nobela mong inaakda?

Saan ka gagamay ng mga letra
Upang ipatong sa patlang ng pagdududa
Nang pagkabigo’t pagluha?
Anong mga salita ang iyong itititik,
Sa sugatan mong puso na pilit na nananahimik,
Sa mga nasasaksihan nitong sakit.

Hanggang saan mo kakayanin?

Ang maging bulag sa katotohan.
At patuloy na ipikit ang mga mata sa tuwing may nakahaing kasinungalingan.

Ang maging bingi sa mga naririnig na liriko,
Na patuloy umiinog sa iyong mundo.

Ang maging pipi sa bawat pait na nakakabit,
Sa pag-ibig mo na patuloy na kumakapit?

Hanggang saan mo kakayaning hindi lumuha?

Hanggang saan mo kakayaning maging manhid at ligalig?

Hanggang saan mo kakayanin?

O baka ang dapat na itanong dito ay,
Kaya mo pa ba? O kinakaya mo na lang?

Dahil tatandaan mong,

Magkaiba ang nagmamahal na nasasaktan,
Sa nasasaktan subalit patuloy na nagmamahal.

Magkaiba ang pag-ibig na may pait at tamis,
Sa pag-ibig na mapait subalit minsan ay matamis.

Magkaiba ang patuloy na lumalaban dahil sa pagmamahal,
Sa ipinaglalaban dahil sa pagmamahal.

Hanggang saan mo kakayanin?

“Dahil kung ako ang iyong tatanungin,
Hindi ko na kaya.”

Diskurso ng Salitang Pagsuko