
Depensa Para sa Lahat ng Sumuko at ‘Di Nagpatuloy
Mas madali ang sumuko kaysa lumaban.
Mas pipiliin ng kanyang laman at kalamnan na tikman ang panandaliang pighati subalit mas makapagpapalaya sa sakit na kanyang nararamdaman. Mas nanaisin niyang wakasan ang bawat mapapait na alaala kaysa harapin ang mga susunod na ihahain sa kanya ng mundo.
Mas gugustuhin niyang hindi magpatuloy.
Pipilitin niyang ikahon ang bawat lungkot at magkaroon ng karagatan sa likod ng kanyang mga mata. Mas gugustuhin niyang harapin ang bukas nang mag-isa upang makita kung sapat na ba ang lahat ng lakas at tibay ng loob na kanyang naipon. Subalit, bibiguin siya ng mundo.
Mula rito, susubukan niyang lasapin ang kinatatakutan ng nakararami ngunit ang natatanging paraang nakikita niyang magiging sagot upang mabigyan ng hangganan ang kirot, sakit, at lungkot na kanyang nararamdaman. Mas pipiliin niyang sumuko.
Ayon sa Department of Health’s National Center for Mental Health, ang suicide rate o bilang ng mga taong nagpapakamatay sa Pilipinas ay umaabot sa 2.5% para sa mga lalaki at 1.7% para sa mga babae mula sa 100,000 populasyon. At ito ay kinokonsoderang hindi kabuuang bilang dahil na rin sa mga kaso ng pagpapakamatay na hindi naire-report dahil na itinuturing itong hindi katanggap-tanggap sa lipunan.
Suicide o ang pagpapakamatay rin ang sinasabing malaking hamon para sa mga matatanda at kabataan sa kasalukuyan. Batay sa inilabas na fact sheet ng World Health Organization (WHO), ang suicide ang pangalawa sa pangunahing dahilan ng pagkamatay sa pagitan ng 15 hanggang 29 na taong gulang at 78% sa mga ito ay nanggaling sa mga may mababang sahod na mga bansa.
Marami ang pinipiling hindi na magpatuloy at bigyan ng hanggan ang bawat madidilim na daan. Marami ang humintong lumaban at mas piniling iwagayway ang puting bandila na simbolo ng pagkatalo. At marami ang nalunod sa madilim na mundo nang hindi kasiguraduhan.
Mula rito, mauugat natin ang mga hihiblang dahilan subalit patuloy na kumakapal sa paglipas ng panahon. Walang tao ang ninais mamatay upang maging malaya at walang sinuman ang gugustuhing mawala upang bigyan ng libu-libong katanungan ang kanyang mga maiiwan. Bagkus, ninais lamang nilang pahintuin ang pasakit na hindi na nila mabitbit.
Madaling sabihing, ‘kaya mo ‘yan’, ‘problema lang ‘yan’, o ‘di kaya’y ‘tumawag ka sa Panginoon’, oo, madali silang bigkasin. Subalit ang kadilimang bumabalot sa katauhang pilit na lumalaban ay mahirap iwasan. Lalo na’t ang ating lipunan ay kulang sa pang-unawa pagdating sa ganitong bagay.
Patuloy na nagiging bulag at bingi ang tao at lipunang ito sa mga panaghoy at pagtangis na mula sa kaibuturan ng puso’t kaluluwa ng mga nasa bingit ng pagsuko. Takot ang bawat isa na humimay ng ‘di mabilang na hibla ng pag-unawa.
Kailan ma’y hindi naging mali ang pagsuko. Ang mali ay ang ikinakahong pag-unawa sa mga taong nakararanas o nasa pagitan nito.
At oo, alam ng karamihan sa kanila ang sakit at pait na maiiwanan nila sa mga taong nanatili sa kanilang mga bisig. Alam nilang mumultuhin ang mga ito ng mga hindi mabilang na tanong kung bakit sila nawala at kung bakit hindi sila nagawang tulungan. Ngunit tatandaan nating matagal na rin silang minumulto ng libu-libong tanong, pait, at paghati. At wala silang makuhang sagot kundi ang pagsuko.
At ang hindi tama sa bansang ito ay ang pagiging takot na buksan ang ganitong usapin. Kaya naman nanatiling isa itong putaheng hindi manlang nagagalaw.
Muli, walang mali sa hindi natin pagpapatuloy. Ang mali ay ang mga taong may baluktot na pananaw at hindi makita ang tunay na binhi ng problema.
Alam nating kailanma’y hindi magbubunga ang punong hindi manlamang nadiligan o naarawan. At gayundin sa usaping ito. Hindi magbubunga ng pag-unawa kung hindi tayo magdidilig ng pakikinig at pakikiramdam sa hindi mabilang na hiwa ng pait at kirot.
Mas madaling sumuko kaysa lumaban. At mas madaling huminto kaysa magpatuloy. Subalit tatandaan natin na mas nanaisin nilang magpatuloy at hindi sumuko kung ang lipunan at tao ay pipiliin ding hindi sila sukuan at tulungan silang bumangon sa kadiliman ng mundo.