Magtatatlong taon na pala.
Oo.
Tama.
Magtatatlong taon na.
Simula nang matutuhan kong saktan ang aking sarili.
Simula nang itapon ko ang halagang mayroon ako.
Simula nang palayain ko ang puso ko mula sa mga hindi maitipang kasiguraduhan at pagdududa.
Magtatatlong taon na pala.
Magtatatlong taon na pero,
Nasaan na ba ako
Tama na.
Oo, tama na.
Hindi n’yo na kailangang sabihin dahil alam ko na.
Luhaan.
Sugatan.
Subalit patuloy na nagpapatangay sa agos patungong kawalan.
Hinahayaang anurin at lumutang sa kalawakan.
Magtatatlong taon na.
Simula nang maiinggit ako sa langit.
Sa kung paanong kapag napupuno’t nasasaktan s’ya,
Ay malaya niyang nagagawang lumuha
At magbuhos ng milyung-milyon at ‘di mabilang na patak ng kirot at luha.
Na sa tuwing ang araw at buwan ay nagtraydor
At ‘di dumating sa kanilang tagpuan,
Nagagawa niyang lumaya.
Nakatatawa.
Sapagkat nakaiinggit siya.
Lumuluha.
Tumatangis.
Na hindi niya kailangan pang umamin,
Na sa likod ng mga kanyang mga patak
Ay ang hirap at pait.
Magtatatlong taon na pala.
Minsan,
Minsan gusto kong tanungin ang sarili ko,
Na kapag sinabi kong masakit ay gaano ba kasakit?
Dahil alam ko,
Na alam ninyo,
Na ang linya sa pagitan ng nasasaktan at nagmamahal ay napakanipis.
Na kapag ang puso na ang gumuhit ng ‘di mabilang na hibla ng pag-ibig,
Ay asahan mong lagi’t laging may masasaktan.
Magtatatlong taon na pala.
Ang tanga.
Sabi nga ng kaibigan ko,
Ako,
Ako ang pinakamagiting na tanga.
Dahil patuloy akong lumulusong at nagpapahuli,
Sa matitibay na lambat ng ‘di mo sa akin pagpili,
At pinipilit kong maging kabahagi ng bangkang iba ang sumasagwan,
Sa dagat ng kahibangan.
Magtatatlong taon na pala…
Oo.
Tama.
Magtatatlong taon na.
Simula nang itagay ko ang walang kasiguraduhan,
At lagukin ang lahat nang pait at sakit ng ‘di mo pag-imik,
Kung paanong ang puso ko lamang ang nananatiling lango,
Sa litro-litrong pagpapakatanga nito,
Lalo na kapag ikaw ang tanggero.
Dahil alam mong,
Mas nalalasing pa rin ang puso ko,
Kahit hindi pa ito nakalalagok o nakatitikim man lang ng pag-ibig mo.
Magtatatlong taon na pala.
Simula nang pinili mong maging malaya.
Mula sa mga matang mapanghusga,
At pusong nagdududa.
Simula nang mas pinili mong ipikit ang iyong mga mata,
At ipinid ang pinto na sana’y magbibigay ng kakarampot na pag-asa,
Simula nang putulin mo ang pulang tali ng tadhana.
Pero alam mo,
Alam mong walang totoo sa lahat nang nabanggit ko,
Dahil hindi mo mas piniling lumaya.
Mahal,
Mali ka,
Kailan ma’y hindi mo pinili ang lumaya.
Dahil ang totoo, mas pinili mong maging duwag na ipaglaban ako.
Magtatatlong taon na pala.
Nasaan ka na?
Mahal mo pa rin ba siya.
Mali,
Mali na tanungin ko pa.
Dahil alam kong mahal mo pa rin siya.
Na ang takot sa katawan mo ay unti-unting umaakyat kapag may banta ng paglisan niya.
Na halos umiyak ka ng karagatan kapag ramdam mong may katapusan na.
Tama na.
Dahil alam ko na.
Ako?
‘Wag mo nang tanungin pa.
Alam mo naman siguro na.
Na ako,
Oo, ako,
Kung tatanungin mo ako kung hanggang ngayon ay mayroon pa,
Tama ka…
Mahal na mahal pa rin kita kahit sobrang sakit na.