Ang Dilim, Gabi at ang Pag-ibig

Nakapagpapabulag ng busilig sa mata Ako’y pinahimbing hanggang dapit-umaga Mga tala’y naglalamay sa puntod ng pagsinta.

Ang Dilim, Gabi at ang Pag-ibig is a tagalog poem by Cyriel Magallanes-Erni and shared with The Ugly Writers under the theme Ulayaw for the month of February

 

Ang Dilim, Gabi at ang Pag-ibig 

 

Dalhin mo ako sa gabing walang pangamba
Sa dilim mong may himbing ng mga ligaya
Ilipad mo ako sa bagwis mong payapa
Sa hangin mong may tigang na luha
Akayin mo ako patungo sa kanya
Sa lugar kung saaan ako nagmula.

Iakyat mo ako sa dambana ng iyong pangako
Sa panalangin kung saan tayo nagtagpo
Itaas mo akong may ligaya’t pagsuyo
Sa mga liham mong nangakatago
Suungin mo ang aking mundo
Sa tahanan ng ating puso.

May salamangkang gayuma
Ang iyong dilim na may hiwaga
Nakapagpapalaho ng alaala’t luha
Nakapagpapabulag ng busilig sa mata
Ako’y pinahimbing hanggang dapit-umaga
Mga tala’y naglalamay sa puntod ng pagsinta.

Ang dilim pala’y mas nakasisilaw
Na may katahimika’t piping sumisigaw
Ang gabi pala’y mas may ningning ng araw
Na nagpapakita ng hubad na kasinungalingan
Ang pag-ibig pala’y tuksong walang katapusan
Na ipinagpapatuloy natin kahit tayo’y nasasaktan.

Avatar photo
Cyriel Magallanes-Erni
Articles: 1

Leave a Reply