Magsimula tayo.
Subalit, hindi ako sigurado kung may sisimulan ba tayong kuwento.
O lumilikha lamang tayo ng libro ng prosa upang magmukhang kapani-paniwala ito.
Magsimula tayo.
Ngunit saan ako magsisimula?
Sa pagbilang mula isa hanggang pito?
Sa pagbigkas ng bilang isa hanggang tatlumpu’t dalawa?
O sa pagbilang mula isa hanggang limampu’t walo?
Nakakatakot magsimula, gamit ang mga bilang na ito.
Magsimula tayo.
At susubukan nating magsimula sa mga pangarap na pinutol ng mga taong may sariling interes na kanilang pinapasibol.
Sa mga balang nagamit at nagdulot ng pagdurusa’t sakit.
Sa lupang naging piping saksi sa karahasang ipinilit ikubli.
Magsisimula tayo, sa hustisyang ibinaon sa hukay.
Sa mga kandilang nagliwanag subalit tanda ng madilim at patuloy na nagdidilim na pag-asa.
Sa mga matang lumuha ng karagatan at siyang patuloy na pinapagal ng dumaraang taon.
Sa mga pusong sugatan na kailanma’y hindi na maghihilum sapagkat patuloy lamang itong nagdurugo.
Magsimula tayo.
Kung paanong ang limampu’t walong tao’y tinanggalan ng karapatang mabuhay.
Kung saang mayroong mga kamay na hinulma mula sa bakal na siyang humahawak sa kalayaan.
May mga sikmurang gawa mula sa asido at patuloy na pinapakalam ng karahasan.
Dito tayo magsisimula.
Magsimula tayo.
Magsimula tayo sa ikapitong gabi.
Na kalauna’y naging pitong linggo.
Na umabot ng pitong buwan.
At ngayon nga, narito tayo sa ikapitong taon.
Ikapitong taon na nagpapatunay ng bulok na sistema ng pamahalaan.
Ng mga panalanging tinangay lamang ng hangin.
Ng mga panaghoy na naipit sa pagitan ng katotohanan at kasinungalingan.
Sa mga panawagang patuloy at sinusubukang kumawala sa nangangalawang na tanikala
Magsimula tayo.
Sa limampu’t walong kaluluwang patuloy na lumuluha dahil sa hindi mahanap-hanap na katarungan.
Dahil sa mga sanga-sangang kasinungalingang nakapalibot sa sanlibutan.
Dahil sa isang pamilyang gutom sa kapangyarihan na nilamon ng kasakiman.
Sa isang lugar na nagsilbing huling hantungan.
Magsimula tayo.
Sa pagbilang mula isa hanggang pito.
Sa pagbigkas ng bilang isa hanggang tatlumpu’t dalawa.
Sa pagbilang mula isa hanggang limampu’t walo.
Dahil nakakatakot man, kailangan nating bilangin ito.
Magsimula tayo, sa tao hanggang demonyo.
Sa bulag na batas at bulok na rehas.
Sa kandadong bukas at susing kupas.
Sa tayo at sa salitang walang kalimutan.
Magsimula tayo.
Ngayong ikapitong taon at bagtasin natin ang daan patungong pitong buwan.
Sa ikapitong linggo ng sirang paraiso at mala-impyernong mundo.
Magsisimula tayo sa ikapitong gabi.
Noong ang buwan at mga bituin ay nakakubli sa madidilim na ulap.
Noong gabing lumuluha ng sakit, pagdurusa at nawawalang hustisya ang kalangitan.
No’ng gabing maliwanag ang lupa dahil sa halos mangamatay na kandila.
N’ong gabing wala nang nagawa ang lahat kundi ang humikbi at lumuha ng pagdaramdam.
Sa ikapitong gabi na umabot ng pitong taon.
Magsimula tayo at huwag tayong mapapagod magsimula hangga’t hindi natin natatagpuan ang hustisya.
Magsimula tayo.
Hanggang ang buwan at bituin sa ikapitong gabing iyon ay sumilip sa kalangitan at magliwag ng hustisya.
Junezsa Belar, CIV193, Art Appreciation, Lights, MX