

May aaminin ako.
Mahal kita.
At mula sa dalawang salitang ito nabuhay ako.
Nabuhay ang pagkataong kinain ng kawalan at naipatianod sa kalawakan.
Sumibol ang laman at kalamnan ng ‘di kasiguraduhan,
At namatay ang nasirang kakuluwa na dulot ng sangkatauhan.
May aaminin ako.
Mahal kita.
At mula sa mga katagang iyan ay muling umiibig ang aking mga letra.
Muling uminog ang mundo ng pagsugal at lumipad ang pagdududa.
May aaminin ako.
Mahal kita.
At sa pagsibol ng mga letrang iyan ay pinilit kitang ilaban sa aking mundo.
Ginamit ko ang isang daang porsyento ng kakayahan ko para malaman mong seryoso ako.
At aaminin ko, ninais ko ring ipaglaban mo ako sa nakasanayan mong mundo noong wala pang ako sa buhay mo.
May aaminin ako.
Mahal kita.
At mula sa pag-akda ko ng mga salitang iyan,
Ninais kong huwag akong maubusan ng dahilan
Para paulit-ulit na iakda ang salitang ‘Mahal kita’.
May aaminin ako.
Mahal kita.
At mula sa akdang ito,
Ako’y nananalanging hindi ka rin maubusan ng dahilan para mahalin ako,
At sabayan mo sana akong tapusin ang ating kuwento.
May aaminin ako.
Mahal kita.
At mula sa mga titik na iyan magagamay natin ang dulo.
At aaminin kong may katapusan din ang ating kuwento,
Subalit sa ngayon,
‘Wag muna nating isipin ang wakas at dulo,
At huminto muna tayo sa bawat kabanata ng iaakda nating libro.
May aaminin ako.
Mahal kita.
At nawa, mahalin mo rin ako.