Unang Kabanata: Ang Simula

Ito ang una’t simula.

Hindi ang simula ng isang kwento o tula.
O ng unang letra sa isang prosa o kakaibang akda.
Hindi ito simula ng isang talata o grupo ng mga salita.

Ito ang una’t simula.

Subalit hindi ito istoryang katulad ng kay Romeo’t Julieta.
O ng isang kuwentong naisulat sa kasaysayan ng mga makata.
Hindi rin ito isang pamagat na iyong unang hinahagilap.

Ito ang una’t simula.

Ngunit hindi ng mga letrang umiibig na ninais mabigkas.
O ng mga pangungusap na isinulat gamit ang plumang minahal.
Hindi ito ang simula ng sinasabi sa ating katapusan.

Ito ang una’t simula.

Ang simula ng minsang kong paghiling
Na sana’y ang ating sinasakyan ay mawalan ng hangganan.
Kahit alam nating ang lahat ay may dulo’t katapusan.

Ang simula nang pagpaparamdam ko kung gaano kita kahigpit kayang hawakan.
Nang sa gano’y hindi mo na ulit maranasan ang aking pagbitaw.

Ang simula nang pagsulyap ko sa’yo,
Na palatandaang suwerte ako.

Ang simula ng unang kabanata,
Sa librong tayong dalawa ang umaakda.

Ito ang una’t simula ng isang pagmamahalan,
Nang salitang ako sa nag-iisang ikaw.

Avatar photo
johnkrux

John Krux bleeds poetry. He eats words for breakfast

Articles: 26

2 Comments

Leave a Reply