Ikalawang Kabanata: Ang Makata

Isusuko kita.

Sa gitna nang madilim na kalawakan.
Sa ilalim ng mga bituin at buwan.
Maging sa pagitan ng araw at ulan.
Pati na rin sa kalmadong karagatan.

Isusuko kita.

Gamit ang taglay na letra ng bawat pahina,
Ng libro ng prosa at mga tula.
Sa mundo kung saan ako ang umaakda,
Sa mga linya ng papel ng isang katha.

Isusuko kita.

At doon, itititik kita.
Sa tulong ng luma subalit subok kong pluma,
Na minsan nang natuyuan ng tinta
Dahil sa pagabandona ng mga papel at linya.
Sa paglipad ng nga ideya at pagbagsak ng mga salitang mahal kita.
Doon, isusuko kita.

Isusuko kita.

At susubukan kong gumamay ng mga salita,
At itipa ang matagal nang nakatago sa likod ng puso ko sinta.
Muli kong bubuhayin ang makatang namatay dahil sa maling pag-ibig.
Sa kanyang pagtalikod sa mundo ng libro’t sining.

Isusuko kita.

Sa pagitan ng dulo’t simula,
Nang mali at tama,
Sa gitna ng takot, sakit at tula.
Sa linya ng aking mga iaakda.

Isusuko kita.

Dahil doon, malaya ka.
Malaya kang ibigin ako.
Pati ang aking kuwento at libro,
Maging ang mga karakter na nalikha ko,
Ang mga tugma, sukat, letra’t salitang mayroon ako.
Doon, malaya kang mahalin ako.

Isusuko kita.

Maging ang aking pluma’t letra.
Ang mga linya’t buradong idyoma.
Ang maririkit na tayutay at salita.
Ang bawat pamagat at pangungusap.

Isusuko kita.

Subalit hindi sa mundo,
O kanino mang tao sa lugar na ito.
Kundi, isusuko kita
Sa pagitan ng tama at mali,
Nang oo at hindi,
Sa bituin at buwan,
Sa kalawakan at kalangitan,
Sa araw at ulan.

Isusuko kita.

Sa makatang umibig ng mga letra,
Na nagbigay espasyo sa iyo sa pagitan ng bawat linya.
Sa makatang pinipilit lumikha ng mga tula’t sining.
Sa makatang sinagip ng mundo sa pagdurusa’t sakit.
Sa makatang minsang namatay dahil sa pag-ibig.

Isusuko kita.

Dahil kapag isinuko kita sa aking mga letra at pluma,
Doon malaya kang ibigin ako —
Ang makata sa pagkatao ko.

Avatar photo
johnkrux

John Krux bleeds poetry. He eats words for breakfast

Articles: 26

3 Comments

Leave a Reply