Ikaapat na Kabanata: Ang Tula

Ito ay hindi tula.

Isa lamang itong kathang kinapalooban ng mga salita.
Ipinagitan sa bawat linya at akda.
Inipit sa lalim ng isang dula.
At sa huli’y iginapos sa gitna ng kawalan at kalawakan.

Ito ay hindi tula.

Ito ay mga titik sa gitna ng blankong papel,
Na patuloy ginagamay ng aking mga kamay,
Nang sa ganoo’y makabisado ko ang bawat sulok ng iyong kaluluwa.

Ito ay hindi tula.

Sapagkat isa lamang itong akda na kinapapalooban ng mga talinghaga.
Nang salitang mahal kita sa pagitan ng salitang ako at ikaw sinta.
Isa lamang itong kathang may ritmo ng pag-ibig at timbre ng katotohanan.
Na siyang aking pinayayabong para sa iyong kaalaman.

Ito ay hindi tula.

Ito ay pag-ibig.
Na sinimulan ng isang makatang umamin sa kanyang pagmamahal.
Ito’y mga letrang pilit kong pinagmamarka sa iyong labi at balat.

Ito ay hindi tula.

Sapagkat ikaw ang pinakamaayos na akda.
Subalit ikaw man ang pinakamagandang tula,
Ako naman ang pinakawalang kwentang manunula.
Dahil kailan ma’y hinding-hindi ko magagamay ang iyong salita.
Ngunit tandaan mong hindi man kita maitutula,
Habambuhay kong pag-aaralan na ikaw ay magamay,
At pati na rin ang iyong pagmamahal.

Ito ay hindi tula.
Tandaan mong wala nang mas gaganda pang tula sa iyo mahal.

Ito ay hindi tula.
Ikaw ito, mahal.

Avatar photo
johnkrux

John Krux bleeds poetry. He eats words for breakfast

Articles: 26

One comment

Leave a Reply