the ugly writers

Marupok Tayo

Hindi naman nakapagtataka kung bakit maraming tao ang nagiging marupok. Hangga’t nagmamamahal tayo maari tayong maging marupok lalo na’t halos lahat sa’tin ay pag-ibig ang kahinaan.

Marupok Tayo is a tagalog essay written by Ann Louelen B. Estrada and shared with The Ugly Writers under the theme One Step Forward Two Steps Back for the month of August.

 

Marupok Tayo

 

Sino nga ba ang hindi marupok?

Kadalasan noon ay ginagamit lang ang salitang “marupok” sa mga bagay na madaling masira gaya ng isang kahoy na agad naputol o mga bagay na binuo ng tao na walang katibay-tibay. Isang araw nang ako’y nasa biyahe nagulat na lamang ako sa mga kabataang nag-uusap sa likod ng upuan ko sa sinasakyan kong pampasaherong bus. Hindi ko maiwasang pakinggan ang pinag-uusapan nila dahil malakas ang kanilang boses. Sa pagkakataong iyon ay unang beses kong narinig ang salitang “marupok” na ginamit sa tao at hindi sa bagay. Napagtanto kong kayrami ng mga bagong salita ngayon na maaring gamitin sa’ting makabagong takbo ng panahon, ang modernong lipunan na kung tawagin ay panahon ng mga millennial.

“Alam mo naman na marupok, kaya madaling nainlab at naloko.” Sa pangungusap kong narinig galing sa kanila ay dito ko kaagad naintindihan na ang ibigsabihin ng salitang “marupok” pagdating sa tao ay ang mga taong madaling lokohin, mabilis mainlab o kaya ay madaling bumigay at matukso.

Ayon sa mga lalaki marurupok daw ang mga babae. Maraming mga babae ang nadadala sa mga mabulaklak na pananalita ng lalaki kahit ang totoo’y ang iba sa kanila ay hindi seryoso. Sa tuwing nagagalit ang babae sa lalaki sa pagitan ng magkarelasyon ay dagling nasusuyo ng lalaki ang babae kahit sa konting lambing lamang. Kahit ilang beses nang nagkamali at nahuli na ng babae ang kanyang boyprend o asawa na nagloloko ay laging binibigyan ng tsansa ng mga kababaihan na maayos ang kanilang relasyon. Sa dami ng kaibigan kong babae na halos lahat sa kanila ay may karelasyon, ang iba sa kanila ay madalas tawaging marupok sa tuwing iiyak-iyak at hihingi ng payo tapos mamamalayan mo na’lang na bati na ulit sila ng kanyang kasintahan. Naranasan mo na bang nagpuyat ka para payuhan lang sa gabi ang kaibigan mong sawi at pagkatapos nang mahaba mong mensahe sa kanya sa social media ay pagkagising mo na’lang kinabukasan ay nakita mo sa post nyang maayos na ulit sila?

Sagot naman ng mga babae na “Ang tunay na marupok ay ang mga lalaki.”  Ang mga lalaking ang laging dahilan kapag nagkamali ay “Lalaki lang ako kaya madali akong natukso.” Pansin ko na laging ganyan ang linya ng mga lalaki matapos madiskubre ng kanilang asawa o nobya na nangalunya ang kanilang karelasyon. Halos magasgas na ang dahilan na ‘yan lalo na sa mga napapanood kong drama o teleserye na lagi na’lang ganyan ang linya. Sa mga kwentong ang tema ay pangangalunya, panloloko , pambababae  at pagkakaroon ng kerida o kabit. Madali silang magkaroon ng atraksyon sa mga babaeng nagpapakita sa kanila ng motibo at sa pagkakataong ito ay unti-unting nawawasak ang kanilang pangako sa kanilang totoong kasintahan. Ika nga, nagiging marupok sila sa pagkakataong hindi nila napigilan ang kanilang pagkahumaling sa simpleng pang-aakit sa kanila ng mga babae.

Hindi ko rin naman makalilimutan banggitin ang pagiging marupok ng mga nasa ikatlong kasarian, mga bakla, tomboy o ‘yong mga tinatawag natin ngayong bisexual. Ayon sa’king mga nasasaksihan sa araw-araw, napapansin kong mas higit silang magparamdam ng pagmamahal sa mga karelasyon nila. Isa sila sa mga uri ng nagmamahal na kayang ibigay ang lahat alang-ala sa kanilang minamahal. May mga iilan din sa kanila na kahit alam na nilang pinakikinabangan lamang sila dahil nabibigay nila ang mga luho ng karelasyon nila ay tuloy pa’rin sila sa pakikisama sa taong mahal nila. Hindi nila kayang pakawalan ang mga ito kahit batid nila sa sarili nilang ganito lamang ang habol sa kanila sapagkat sobra ang kanilang pagmamahal para sa karelasyon. Hindi ko naman sinasabi na sila lamang, maari itong mangyari sa lahat lalo na sa mga nagmamahal ng sobra.

Hindi naman nakapagtataka kung bakit maraming tao ang nagiging marupok. Hangga’t nagmamamahal tayo maari tayong maging marupok lalo na’t halos lahat sa’tin ay pag-ibig ang kahinaan. Hangga’t nabubuhay tayo sa mundong hindi perpekto ay maari tayong magkamali at manghina dahil tayo’y nagmula kina Adan at Eva. Huwag nating husgaan ang ibang taong nagiging marupok sa sandali ng kanilang buhay dahil lahat tayo ay maaring dumaan sa pagkakatong magiging marupok tayo sa isang bagay lalo na sa usaping pag-ibig. Lahat tayo’y maaring magkamali kaya’t lahat tayo’y may parte sa buhay natin na magiging marupok tayo. Dahil tao lang tayo, nasasaktan, nagmamahal, at higit sa lahat ay MARUPOK.

 

Please support Ann Louelen B. Estrada by reading her previous entries here at The Ugly Writers:

the ugly writers

the ugly writers

 

Default image
ANN LOUELEN B. ESTRADA
Creative Mind Wildest Imagination Because i am a WRITER

Leave a Reply