the ugly writers

Mama

Bata palang ako tila namamalimos na 'ko ng pagkakataon na sana ako naman yung nasa tabi ng mga magulang ko...

Mama is a short story written by Kevin Rein and shared with The Ugly Writers under the theme Owning You Light

“Sino’ng mas mahal mo, si papa mo o si mama mo?”

     Ilang beses din ‘tong naitanong sa’kin no’ng bata pa ko at ang lagi kong sagot ay, “pareho po sila”, pero ang totoo, hindi. Unfair ‘to kay papa, mahal ko silang dalawa, pero mas minahal ko si mama.

     Si mama ‘yong taong pangarap kong makasama palagi, ka-kwentuhan, kapiling sa mga masasayang ala-ala, kabiruan, at karamay sa mga panahong malungkot. Pero, madamot ang pagkakataon. Palagi niyang inilalayo sa akin si mama.

     Bata palang ako tila namamalimos na ‘ko ng pagkakataon na sana ako naman yung nasa tabi ng mga magulang ko, sana ako naman yung inaalagaan nila, at kasama sa araw-araw. Sana hindi ko kinailangan na malayo sa kanila dahil malungkot. Ipinagpapasalamat ko ng malaki dahil kinupkop ako ni Inang, ang aking lola, ‘nong mga panahong matindi ang pagsubok kina mama at papa. Pero bilang musmos, hindi ko naiintindihan kung bakit kailangang nasa probinsiya ako.

     Lumaki akong sabik sa atensyon ni mama. ‘Yong tipong sobrang lungkot ko kapag nagtatampo siya sa’kin. Sinikap kong maging mabuting anak sa paningin niya kasi ‘don siya masaya, ‘don niya lang ako naipagmamalaki. Hindi ako matalino, hindi ako maabilidad, mahiyain ako, walang bilib sa sarili, pero para kay mama perpekto ako. Ako ‘yong pumapalya sa sahod, pero para kay mama sapat ang naipapadala ko. Ni minsan hindi niya ‘ko kinuwestiyon sa mga pagkukulang ko. Pero ang totoo, tunaw na tunaw ako sa hiya, kasi hindi niya deserve ang magtiis at maghirap. Hindi niya deserve ‘yong mga pagsubok sa buhay niya. Wala akong magawa. Simula pagkabata niya ay binugbog na siya ng mga pagsubok, at ang pinakamalungkot sa lahat, hanggang sa huling hininga niya hindi siya nawalan ng pag-asa. 

     Pag-asa na sa muling pagdilat ng kaniyang mga mata at pagbabalik ng kaniyang ala-ala, maayos na muli ang lahat, uuwi siyang malakas, at may buhay.

     Ma, mahal na mahal kita. Pasensiya ka na dahil kahit sa pinaka-huling taon ng buhay mo hindi parin ako napirmi sa tabi mo. Sorry ma, sana puwede, pero kinailangan ko paring lumayo kasi gusto kong may magawa man lang sa paggaling mo. Sorry ma, kung alam ko lang na huling beses na kitang makakausap noon sana sinulit ko na. Sorry kung lagi kitang napagsasabihan kasi ayaw mong kumain. Hindi ko naman alam ma na hirap ka na talaga. Pasensya ka na ma, kulang yung kakayanan ko para mai-save ka. Sana pwede ko nalang ibigay sa’yo ang buhay ko. Mas maraming taong matutuwa, marami ka pang taong mapapasaya, dahil maraming nagmamahal sa’yo. 

     Salamat sa lahat ma. I miss you ma. 

the ugly writers

Read previous entries from Kevin Rein at The Ugly Writers:

the ugly writers
the ugly writers
the ugly writers
the ugly writers
the ugly writers
the ugly writers
Kevin Rein

Kevin Rein

Articles: 23

Leave a Reply