Siyam dapat

Tumatakbo..
Kahit saan man patungo
Tumatakbo..
Sa lugar na hindi sigurado
Tumatakbo..
Kasabay ng ikot ng mundo
Binabalewala ang pagod

Tumatakbo..
Baka sakali makalimot kahit paano..

Huminto ako, umupo.
Bumuntong hininga at tumingala sa langit..

Nagtatanong sa isip, at kumakapa sa puso kung naroon pa din ang sakit..

Dalawang taon na pala ang dumaan,
Kamusta na nga ba ang puso ko?
Handa na kaya ako sa panibagong simula, at sumubok ulit?

Paano nga ba kita makakalimutan kung mayroong isang araw sa isang taon na magpapaalala na naging tayo pala?
Dagdag pa na may dalawang magagandang paslit na makakapagpatunay na noon ay mahal natin ang isa’t isa..

Pitong taong puno ng hirap at ginahawa..
Pitong taong maraming ala-ala..
Pitong taong dumaan sa iba’t ibang problema..
Pitong taong puno ng lungkot at saya..

Lahat ng pagsubok dinaanan lang at hindi tinambayan..
Lahat ng hirap at sakit na ininda para lang sa magandang samahan..

Madalas man na may hindi pagkakaintindihan, maraming pasensya at pang-unawa ang inilalaan..

Ganoon tayo noon para sa pamilyang mayroon tayo noon..

Araw-araw na dumadaan maraming nagbabago sa samahan..

Hanggang sa tumagal, nawawala na yung nasimulan.
Nawawala na yung lalim ng pagmamahalan,
Nawawala na yung oras at panahon na sa amin dapat nakalaan,
Trabaho lamang,yun ang laging katwiran..

Sinubukan ko, pero huli na pala ako.
Mayron na palang iba sa puso mo.

Lagi ako nagtatanong,
Ano ang kulang?

Bakit naging ganito ang kinahinatnan?

Anong nangyari sa ating samahan?

Saan napunta ang mga pinagsamahan?

Naisip ko, binigay ko naman ang alam kong para sayo ay sapat.
Ginawa ko naman ang kaya ko para maging sobra at tama ang lahat.

Hindi ako naghangad ng sobra, dahil kuntento na ako na ikaw ang kasama,
Kuntento na ako sa’yo at sa dalawang magandang bata na mayroon tayo.
Kuntento na ako sa pamilyang binuo natin ng magkasama.

Tinanong kita,
“Bakit tayo humantong sa ganito?”

“Hindi ko sinasadya, patawarin mo ako. mahal kita” sabi mo.

Pero naisip ko,
Hindi ka magkakaroon ng iba kung mahal mo akong talaga.
Dahil kahit anong gawin niya,
Hindi ka mahuhulog sa kaniya.

Pero nanghina ka, nagpatangay ka, nahulog ka sa kanya.
Ano ako sa mga panahon na iyon, naiwanang tanga.

Lagi ko sinasabi sayo,
“Hindi ka magkakaroon ng pangalawa, kung mahal mo talaga ang una”

Sinubukan kong lumaban, at muling simulan,
Ayokong lumaki ang mga anak natin na katulad ko, walang ama at hindi buo ang pamilya.
Pero naisip ko,balewala na din pala, nawala na nga pala lahat ng respeto at tiwalang nilaan..
Hindi na maibabalik pa yung dating pagmamahalan..

Baka mapuno lang ng away-bati na araw-araw,
Mga oras na puno ng pagdududa at kasinungalingan,

Kaduwagan man pero ayoko ng sumugal,
Tama na ang una, pangalawa at pangatlong kalokohan.
Kalokohan na nagkaroon ng bunga.
Bunga na kayo ang bumuo,
Na sana ingatan niyo at mahalin ng buo.

Tao ako, hindi din ako perpekto.
Hindi ako manhid,nasasaktan din ako.
Napatawad ko na kayo,
At hangad ko ang kasiyahan niyo.

Hiling ko lang na sana gampanan mo pa din ang pagiging ama mo sa sinasabi mong “mga munting prinsesa ng buhay mo”

Hindi ko sila ipagdadamot sayo, huwag ka lang sana gumawa ng bagay na maaaring maging dahilan para sila ay ilayo ko sayo.

Mahal ka nilang totoo, at sana maging ama ka pa rin sa kanila kahit paano.

Nakaahon na ako sa sakit , Mayroon mang pait, pero lamang pa din ang pagtawa at pag-ngiti, at malaya na ako magsimula ulit.

Mahal natin ang isa’t isa pero noon pa yun at Hindi na ngayon..

Namalayan ko, umiiyak na pala ako, at mga luha kusang tumulo, pumikit
At natawa na lang ako.

Masasayang ala-ala iniiyakan, tinatawanan ala-alang may problema at iyakan.

Maligayang ika-siyam na anibersayo (sana)

Guest Post
Guest Post

Guest Posts submitted to TUW are reviewed and scheduled by the admins. Photos are either provided by the contributor or created using Photofy.

If you wish to submit an entry, head over to https://uglywriters.com/submissions

Articles: 119

4 Comments

  1. Casupanan, Rhelee Mae B.
    Mar142
    Sociology MQ2
    This article falls under the theory of ethnocentrism. The usage of our local language through the note and engaging its readers to dwell on every moment stated in the article.

  2. Hao, Edwin John F. / Mar141 / Sociology MQ2 / I think the article shows ethnocentrism because it uses the local language which is tagalog.

Leave a Reply