
Pagbitaw
Pagbitaw is a tagalog poem written and shared by Vanessa Enfectana to The Ugly Writers for the month of March 2020.
Pagbitaw
Nakatitig sayong mga mata
Malinaw na nakikita
Pero nandyan ka pa nga bang talaga
O nadadala lamang sa ilusyon nitong mga mata
Na nandiyan ang litrato ng ikaw sa bawat umaga
Sa relasyong…
Papalabo ng papalabo ang dating malinaw
Unti unting ang init ay sinasakop ng ginaw
Nagpupumiglas, lumalaban sa papawalang ikaw
Ayoko! Hindi pa ako handang bumitaw
Mahal kita
Mahal pa rin kita
Pero mahal, masaya ka pa nga bang talaga?
O ako nalang ang napiprisinta
Sa relasyong unti unti ng nasisira
Hindi mo naman kailangang sambitin pa
Dahil naisampal na sa akin ang katotohanan noong gabing hindi ka nagsalita
Noong panahon na hinahanap kita
Alam ko na, pero mahal, hindi pa ako handa.
Nag iilusyon
Na sa bawat pagpilit kong ipinta kang muli’y mababalik ang kulay ng nakalipas na panahon
Na baka luminaw ang papalabong repleksyon
At baka sakaling maayos pa tong relasyon
Ngunit Hanggang saan
Hanggang kailan
Ang pagkapit sa kawalan
Hanggang saan
Hanggang kailan
Ako magdadahilan
Tatakbo’t hahabol sayo
Kaya’t pakiusap ikaw muna’y huminto
Patitigilin ng panandalian ang mundo
Hayaan mo muna akong haplusing muli ang mukha mo
Sa relasyong…
Papalabo ng papalabo ang dating malinaw
Unti unting ang init ay sinasakop ng ginaw
Nagpupumiglas, lumalaban sa papawalang ikaw
Ayoko. Hindi pa ako handa… Pero mahal… Wala na kong magagawa… kundi ang bumitaw.
Kung naibigan mo ang likhang Filipino na Pagbitaw, basahin ang iba pang gawang tagalog dito: