

Dahon is a tagalog poem written by Erwina Boizet and shared with The Ugly Writers for the theme Recovery for the month of March.
Dahon
kahapon
pinintahan ko ang paligid
nakatutuwang sa isang iglap
nababago ang kulay ng mundo.
dinadama ang ihip ng hangin
nagpapatangay-
sa malayo
sa kabilang dako
sa kalayaan
sa mga sanga ng iyong pag-iisip.
kahit madalas
kinakapos ang kanyang hininga
para dalhin ako sa iyo.
nasaan ba ang tahanan?
ilang ihip ng hangin ba
ang tatangay sa isang dahon
para makabalik sa paanan
ng kanyang pinagmulan?
ilang alon ang magpapalit ng sarili
para lumitaw ang tunay na siya?
pumapasok tayo sa mga kahon
ng kaakuhan
na akala natin ay tayo
at pilit winawaglit ang katotohanan
na habang sinasambit ang ikaw
ay hindi mo naman talaga
naaninag ang iyong liwanag
ang iyong katotohanan.
ilang kulungang panlipunan
ang papasukin
bago maisip
na dito
dito
kasama natin ang lahat
maliban sa sarili.
dahil kung sa buong sandali ng buhay
na pinili mong magtago
sa bandang huli’y
matutuklasan nating
naikakahon ang katawan
pero hindi ang kaluluwa
subalit huli na.
sa mga dilim ng gabing
wala kang makita
bakit tila mas may ganda?
sa iyong mga panaginip
iisa ka at ang iyong naisin
malaya.
dahil hindi
hindi ito maari
sa isang umagang
puno nga ng liwanag
pero wala kang maaninag
na katotohanan
mula sa iba
mula sa sarili.
paano
kung ang dilim mo pala
ay siya mong liwanag?
ilang karatula
ilang direksyon ang kailangang sundin
para hindi mawala?
paulit-ulit ko nang binabagtas
ang daan papuntang bahay
pero lagi pa rin akong naliligaw.
tama ba ang aking hinahanap?
matatagpuan ko ba ang kasagutan?
paano kung mali ang aking mga tanong?
makikita ko lang ba ang sarili sa salamin
na hindi ko kailanman
maaring pasukin?
paano kung pagsuko
ang sagot
sa isang walang katapusang
paghahanap?
patuloy kong sinisilip ang pag-asa
sa mga dingding
na walang bintana.
If you liked this tagalog poem, check out some more below: