An Open Letter To Someone I Am Admiring From A Distance is an essay written by Julie Ann Baynosa and shared with The Ugly Writers under the theme Trust The Process for the month of November
An Open Letter To Someone I Am Admiring From A Distance
Nakilala kita sa hindi inaasahan. Sa saglit na pagkaka kita ko sa’yo kung paano mo hinarap ang buhay sa mga panahong ikaw ay nasasaktan. Kung paano mo tinanggap ang hamon ng pagtitiwala sa Dios sa kabila ng pagkawala ng iyong minamahal. Alam kong hindi sapat na dahilan at basehan pero doon kita sinimulang hangaan–Kung paano ko nakitang mas lalo kang naging tapat sa paglilingkod mo sa Panginoon, kung paano mo lalong ibinigay ang buhay mo para sa Kanya.
Limang taong lihim na paghanga mula sa kalayuan. Limang taon na puno ng pag asang ako’y iyong mapansin. Marahil nagtataka ka paano ko nasasabi ang mga bagay na ito pagkat hindi naman tayo nag-uusap kagaya ng iba, pero hayaan mong sabihin ko sa’yo sa pamamagitan ng liham na ito.
Napupuno ako ng pag-asa tuwing pareho tayo ng iniisip at saloobin. Tuwing pakiramdam ko parang nababasa mo ako kahit hindi naman talaga. Napupuno ako ng pag-asa tuwing nakikita ko ang sarili ko sa’yo, sa paniniwala at panindigan sa iilang bagay at marami pang iba, pero ang masasabi kong pinaka sa lahat ay ang kaalamang tanggap mo ang kakulangan ko kung sakaling mabigyan ng pagkakataong mahalin mo. ‘Yung pagmamahal na magbibigay sa akin ng tapang, lakas, at payapa, sa ano mang hamon ng buhay–pagmamahal na galing sa takot mo sa Dios na siyang magpapaalala sa akin ng kabutihan Niya sa kabila ng pagkabigo sa nakaraan.
Limang taong pag-aalaga sa pangarap na balang araw sana’y magkatotoo. Pero siguro kagaya ng ibang kwento ng paghihintay na mapansin ng taong kanilang gusto, naririto na ako sa dulo.
Hindi na siguro masamang ako’y sumuko. At sa huling pagkakataon ang tulang ito ang nais kong sabihin sa’yo.
Ngayong nandito na tayo sa dulo,
Akin ng nagpatanto,
May mga pagmamahal talagang hindi nakalaan gaano man natin ka gusto,
Huwag mag-alala, hindi ako nagtatampo,
Tanggap ko ng tayo’y hindi na magkakatotoo,
Hangad ko lang na sa pamamaalam kong ito,
Mahanap mo at mahanap ka,
Ng taong tunay na nagmamay-ari ng iyong puso.
