

WAMPIPTE is an editorial written by Anne Louelen Estrada and shared with The Ugly Writers under the theme Catharsis: Healing Through Narrative for the month of June
WAMPIPTE
“Piliin mo ang mga bagay na makapagpapasaya sa’yo. Life is too short para ma-stress kaya ENJOY LIFE!”
Ito ang paniniwala ko sa buhay at natitiyak kong ganyan din ang paniniwala ng mga kalahi ko, mga bading, lesbian at mga silahis na katulad ko. Dahil idolo ng nanay ko si Jeric Raval na isang action star ay Jeric ang pinangalan niya sa’kin. Kaya lang nadismaya siya dahil hindi lumaking action star ang anak niya, kundi lumaking hanap ay kasing kisig ni Jeric Raval.
Sa mundo na ginagalawan ko may ultimate rule ako at ‘yon ay ang Bawal ang Kuripot. Kailangan maging galante ka para mapansin ng mga boys. Epektibo naman ang mga galawan ko dahil galante ako manlibre at magpamamam sa mga lalaki. Madali ko silang nakukuha kasi madali ko rin ibigay ang lahat ng pangangailangan nila lalo na sa materyal na bagay. Madalas nga pumapayag na agad sila kahit wanpipti lang lalo na ‘yong mga kabataang kailangan lang ng pambayad sa internet shop, para lang makapaglaro ng mga online games hanggang hatinggabi.
Wala naman nagbabantay sa kilos ko kasi malayo naman ako sa’min. May kanya-kanya nang pamilya ang mga kapatid ko pati ang nanay ko na may asawa na rin, ganon din ang tatay ko. Alam kong wala rin naman silang pakealam sa’kin dahil hindi naman nila ako tinatawagan sa loob ng limang taon simula nang umalis ako sa lugar namin sa Aklan. Pagkatapos kasi ng pag-aaral ko sa kolehiyo ay tumungo na ako ng syudad para magkaroon ng sariling buhay, at syempre para iladlad ang sarili ko. Nag-iisa lang kasi akong lalaki sa’ming limang magkakapatid at ako pa ang pinaka-diyosang bunso ni ina. Hindi na ako magtataka kung bakit hindi na sila nagpaparamdam sa’kin dahil alam kong hindi nila matanggap na ang pinangarap nilang maging action star ng buhay nila ay naging isang malanding diwata ng Makati.
Ayaw ko ng seryosong relasyon, gusto ko panandalian lamang kasi gusto kong matikman lahat ng menu. Nahibang ako sa pakikipagtalik sa kapwa ko lalaki at kahit group sex pa ay pinapatos ko na. Sa bar, sa gym, o kahit pa delivery boy ng tubig at pizza. Pakiramdam ko kapag ginagawa ko ito nagiging maganda ang pakiramdam ko. Iyan ang bitamina kong nagkakahalaga ng wanpipti sa bawat araw dahil kailangan ko rin talaga ng pampagising dahil sa trabaho ko bilang isang call center agent.
Araw-araw kong nakasanayan na ganito ang senaryo sa buhay ko. Parang paulit-ulit lang lahat ng ginagawa ko, magpapakalunod sa alak at magbabayad ng mga lalaki. Ang kinikita ko ay rito lang lahat napupunta, sa mga maling gawain na masarap at hindi ko na kayang pigilan.
Bukod pakikipaglandian ko sa mga lalaki ay may isa pa akong pampagising at iyon ay ang pagbigay sa’kin lagi ng kape ni Shydee sa tuwing break time. Si Shydee na siyang kasama ko sa trabaho. Hindi kami magkaibigan ni Shydee pero lagi niya akong inuunahan na bigyan ng kape bago ko pa man maisipang bumili para sa sarili ko. Maraming beses na rin na sa tuwing aabutan niya ako ng binili niyang kape ay ayaw niyang tanggapin ang bayad ko.
“Libre ko na yan sa’yo Sir! Hindi lahat ng bagay kailangang may kapalit!” Ito ang lagi niyang sinasabi sa’kin. Ngunit alam kong nagbibiro lamang siya at hindi rin ako sang-ayon sa paniniwala niyang may mga bagay na hindi kailangan ng kapalit. Sa panahon ngayon naniniwala akong lahat ng bagay ay may kapalit. Hindi mo makukuha ang gusto mo at hindi ka nila magugustuhan kapag wala ka. ‘Pag bakla ka hindi ka papatulan ng mga lalaki kapag wala kang pera.
Isang araw hindi ako nakapasok sa trabaho dahil sa hindi maganda ang pakiramdam ko. Kung dati rati’y normal lang sa’kin ang ubuhin lagi, ngayon ay mukhang hindi na maganda ang lagay ng panghihina ng katawan ko. Naglakas loob akong kumonsulta sa doktor. Ilang araw rin akong hindi nakapunta sa trabaho dahil maraming test ang ginawa sa’kin.
Para akong malalagutan ng hininga hindi dahil sa dinadamdam ng katawan ko ngayon kundi dahil sa nalaman kong resulta.
“Positive ako! At ang pangarap kong maging positive sa pregnancy tests ay pinalitan ng Positive sa HIV test!” Malala na raw ang lagay ko sabi ng gwapo at batang doctor na kumonsulta sa’kin. Walang lunas ang aking sakit kaya’t pinayuhan na rin niya akong maging maingat. Mas makakabuti rin daw kung sabihan ko ang lahat ng mga nakachokchak-chenes ko na magpatingin sa hospital. Ngunit paano ko ito gagawin kung halos lahat sila ay one night stand lang. Hindi naman maaring ipa-aanounce ko ito sa telebisyon at radyo para makarating sa mga baby boys ko simula Luzon, Visayas hanggang Mindanao na baka isa sa kanila ang nagbigay sa’kin ng aids o baka nalipatan na rin sila.
Subalit wala parin akong kadala-dala at patuloy na ginagawa ang mga bisyo ko. Wala parin bago sa’kin at diretso parin ako sa panlalalaki, paninigarilyo, pag-iinom at pagwawaldas ng pera. Isang araw nang pumasok ako sa trabaho ay naninibago ako sa mga kilos ng aking kasamahan sa trabaho. Kung noon ay tuwang-tuwa sila sa’kin at laging nakasalubong kapag may dala akong pagkain, ngayon ay para silang mga dagang nagtatago sa kanilang lungga kapag lalapit ako. Tila ba mga bubuyog din sila kapag dadaan ako.
“Diskriminasyon! Hindi sa pagiging bakla ko kundi dahil sa confirmed HIV Positive ako! Pinandidirian nila akong lahat!” Ito ang paulit-ulit na naiisip ko sa bawat araw na minsan pa ay nagiging balisa na ako sa kakaisip. Hindi ko naisip noon na magkakaroon ako ng ganitong klaseng sakit. Basta ang alam ko lang noon ay magpakalunod sa iba’t-ibang lalaki at namnamin ang buong magdamag katabi sila sa kama o kung saan man abutan ng libog.
“Ayaw na’rin nila sa’kin.” Ito ang sinasabi ko na ‘pag wala ka na ay ayaw na’rin nila sayo. Wala nang pumapatol sa’kin kasi malamang na natatakot silang mahawaan ako. Ramdam ko ang matinding diskriminasyon. Hindi lang diskrimansyon sa pagiging tagilid ko pati diskrimasyon sa pagkakaroon ng isang sakit na kasuklam-suklam at walang hilom.
Ito rin ang naging dahilan kung bakit hindi ko na maipagyabang ngayon ang pera at itsura ko. Ni hindi na ako makabisita sa mga gay bar, sa gym, sa mga party lalo na sa mga lalaki. Ang pera ko ay ngayon ay hindi na sa kahera ng bar napupunta, hindi na rin sa bulsa ng mga lalaki kundi laging sa kahera na ng hospital.
“Iyong mga tao magaling lang sila ‘pag meron ka.” Ito ang sabi ko sa’king sarili habang nakatambay sa labas ng gusali ng kompanya. Naagaw ang atensyon ko nang may humawak sa balikat ko. Tumingin ako patalikod at ang kape agad ang nakita ko. Iniaabot sa’kin ni Shydee ang cold coffee na hawak niya. Mga limang segundo ko pa itong tinitigan bago tanggapin sa kanya.
“Libre ko na yan sa’yo Sir! Hindi lahat ng bagay kailangang may kapalit!” Ito nanaman ang sinabi niya sa’kin tulad ng dati. Sa kanyang ngiti ay nagpakita ang magkabilaang dimples sa kanyang pisngi. Kung may isang taong hindi umiiwas sa akin ngayon ay tanging si Shydee lamang.
“Bakit ba lagi kang malungkot Sir Jeric?” tanong niya.
“Wa-wala na kasi, kinuha na ang lahat sa’kin, lahat ng meron ako,” malumanay kong sagot.
“Walang sa’yo, pahiram lang ang lahat ng ‘yan. Hindi mo kasi nilagay sa tama kaya binabawi na sa’yo ang lahat.” Napaisip ako ng malalim sa sinabi niya dahil ang totoo hindi ko ito masyadong naintindihan.
“Pe-pero gusto ko lang maging masaya, mag-enjoy-” Ngunit siningitan niya agad ako sa hindi ko pa natatapos na paliwanag.
“Hindi tayo nilagay sa mundo para magparty, nilagay tayo sa mundo para gumawa ng tama. Nandito tayo para maging instrumento sa ibang tao.”
Hindi ko alam kung matatauhan na ba ako sa sinabi ni Shydee ngunit tila ba may batong nanggaling sa langit, hindi para lunukin ko at maging si Darna kundi para tamaan ako. Tumingin siya sa kanyang relo saka nagbalak magpaalam. “Ah…Sir una na’ko sa taas, tapos na break time ko eh…Ikaw ba?’’
“Sige mauna ka na.” Tumango siya matapos ko itong sabihin saka tumalikod. Ngunit may pahabol pa akong dapat sabihin sa kanya. Ang totoo nahihiya ako sa kanya dahil hindi ako sanay sa mga bagay na walang kapalit. Hindi lamang sa kape na binibigay niya lagi kundi sa paglapit niya sa’kin sa kabila ng iniiwasan ako ng lahat. Pakiramdam ko sa sarili ko ay may utang ako sa babaeng ito na kailangan kong bayaran.
“Shydee!’’ tawag ko sa kanya at humarap siya muli. “Pwede bang ako naman ang manlibre sayo ng kape bukas?”
“Pe-pero Sir, di naman kailangang-” At agad ko siyang inunahan sa kanyang pagdadahilan.
“Hindi lang kasi ako sanay e…Hayaan mo’kong bumawi sa’yo. Ano bang gusto mong kape?” tanong ko.
“Ah…sige ho, kayo bahala! Okay na po sa’kin yong café latte. Don’t worry Sir…mga tig-wanpipti point something lang naman ata ‘yon,” paliwanag niya na halata pa ang pagkahiya.
“Ah walang problema. Basta bukas the same time huh…Hintayin kita rito.” Napangiti ako matapos sabihin ito saka siya tumango. Muli na siyang tumalikod at naglakad palayo sa’kin habang ako ay iniisip ko pa’rin ang kanyang mga sinabi kanina.
Kinabukasan ay agad akong naghanap ng kapeng gusto ni Shydee. Sa taas ng kompanyang pinagtatrabahunan namin ay naroon ang mga restaurant at coffee shop ngunit wala na roon ang gustong kape ni Shydee. May isa pang coffee shop malapit sa gusaling ito kaya minabuti kong lumabas at doon nalang bumili.
Mabuti na lamang ay maraming magkakatabing restaurant at mga coffee shop dito sa Makati. Sa wakas ay nakabili ako ng kapeng paborito ni Shydee at pareho lang din ang presyo nito sa sinabi niya kaya siguradong ang hawak ko ngayong kape ay ito na ang tinutukoy niya.
Binilisan ko na ang paghakbang ng aking binti dahil siguradong naghihintay na si Shydee sa aming tambayan. Patawid na sana ako ng kalsada nang kapansin-pansin ang kumpulan ng maraming tao sa kabilang kalsada sa may kaliwang daan. Maraming kotse rin ang nakatigil doon at mukhang isang aksidente ang nangyari o baka naman may pelikula lang na kinukunan sa daang iyon.
Sa halip na sumabay na ako sa pagtawid sa mga taong nagsitawiran ay naisipan kong tumungo sa mga taong nakatipon dahil sa mga narinig ko.
“Tumawag kayo ng ambulansya!!!’’
“Naku jusko mukhang patay na siya!!!’’
Hinabaan ko ang aking leeg para masilip ang taong naaksidente sa gitna ng kalsada. Hindi ko kasi gaanong makita dahil sa kumpulan ng mga tao. Hindi ko alam kung bakit interesado ako sa aksidente baka marahil isang poging lalaki ang nasayang nanaman ang buhay dahil lang sa katangahan sa pagtawid. Sumingit ako sa mga taong naglalakihan ang mata, sa mga magulang na tinatakpan ang mata ng kanilang anak dahil sa mukhang hindi kaaya-aya ang itsura ng aksidenteng naganap. Kalat ang mga dugo sa kalsada.
Tila nandilim ang paligid ko nang sumalubong sa dalwang mata ko ang babaeng nakahandusay sa gitna ng kalsada. Duguan at mukhang wala nang buhay dahil sa dami ng dugong kumalat at sa mga pasang natamo ng buo niyang katawan.
“Wala na…patay na siya.”
“Hindi na siya aabot pa sa hospital. Siguradong wala na siyang buhay!’’
Ito ang mga naririnig ko sa mga taong nakapaligid sa katawan niyang kaawa-awa na tila ba isang hayop na nilalangaw ang bangkay.
Nang titigan ko ang mukha niya ay bumagsak sa sapatos ko ang kapeng hawak-hawak ko at kasabay nito ang pagbagsak ng luha ko. Tila ba gumunaw ang makasalan kong mundo. Ang mundo kong pagsasaya na’lang lagi ang alam gawin. Ang mundo kong laging sarili na’lang ang iniisip. Kung saan ko naisipang ibalik sa kanya ang kabutihang pinakita niya sa’kin ay saka pa huli na ang lahat.
“Sana hindi na’lang kita binilhan ng kape. Sana hindi ko naisipang palitan ang bagay na binigay mo sa’kin.” Ito lamang ang tanging dahilan na naiisip ko.
Pagkaawa at pagsisisi na sana ay hindi ko na naisipang palitan pa ang kabutihang nagawa niya sa’kin. Dahil batid ko namang ayaw niya ng kapalit pero pinilit ko pa.
“Dahil hindi lahat ng bagay ay humihingi ng kapalit.”
Please support Ann Louelen B. Estrada by reading her previous entries here at The Ugly Writers:
Read more entries under the theme Catharsis: Healing Through Narrative only here at The Ugly Writers: